Inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa  ang panukalang Kalinga Act, isang pambansang framework para sa emergency response at resiliency.
Layon nitong bigyan ang administrasyong Marcos ng mas mabilis na aksyon laban sa fuel-driven inflation, energy supply risks, at mga shock na nagbabanta sa pagkain, transportasyon, kabuhayan, at mga pangunahing serbisyo.
Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, isa sa pangunahing may-akda ng panukala, na magbibigay ang bill ng mas malinaw na playbook para sa gobyerno sa tuwing tinatamaan ang mga ordinaryong Pilipino ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis at bilihin.
“The Kalinga Act is about preparedness, pero preparedness with compassion. Under the leadership of President Bongbong Marcos Jr. and  Speaker Bojie Dy, we want government to be ready with direct, targeted and time-bound help when fuel prices begin to hurt families, workers, farmers, fisherfolk, drivers, riders and small businesses,” pahayag ni Marcos.
Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 9305 itataguyod ang “Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance” Program o KALINGA. Ito ang magiging opisyal na mekanismo ng pamahalaan sa panahon ng matinding pabago-bago ng presyo ng langis at iba pang external shocks.
Inirekomenda ang pagpasa nito sa ilalim ng Committee Report No. 313 ng Ad Hoc Committee on Legislative Energy Action and Development.
Sa ilalim ng panukala, maaaring magdeklara ang Pangulo ng state of national emergency batay sa rekomendasyon ng KALINGA National Response Council kung ang presyo ng Dubai crude oil ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles sa loob ng 30 araw, kung tumaas ang domestic fuel prices ng hindi bababa sa 30 porsyento sa loob ng 30 araw, o kung ang national fuel inventory ay bumaba sa suplay na pang-30 araw.
Kapag naideklara ang national energy emergency, maaaring gumamit ang Pangulo ng limitadong emergency powers upang magpatupad ng mga KALINGA intervention, kabilang ang paglilipat o paggamit ng pondo para sa emergency relief, alinsunod sa mga panuntunan ng batas at ng Commission on Audit (CoA).
Pinahihintulutan din ang emergency procurement para sa langis, enerhiya, transportasyon, pagkain, at social protection na may kaakibat na transparency requirements at post-audit ng CoA.
Binigyang-diin ni Marcos na dinisenyo ang batas upang maiwasan ang mabagal at hiwa-hiwalay na pagtugon ng pamahalaan kapag may price shocks.
“Kapag tumataas ang presyo ng langis, hindi lang gasoline stations ang apektado. This bill recognizes the chain reaction on food prices, pamasahe, electricity, livelihood, small businesses and the daily cost of living, and it gives government the tools to respond before the burden reaches the Filipino family,” dagdag ni Marcos.
Target ng KALINGA Program ang mga low-income at near-poor households, minimum wage earners, displaced workers, informal workers, public transport drivers, delivery riders, commuters, magsasaka, mangingisda, MSMEs, overseas Filipino workers (OFWs), at iba pang vulnerable sectors.

Share.
Exit mobile version