Muling isinulong ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang pagbabalik ng paggamit ng textbooks sa sistema ng edukasyon, dahil umano sa kakulangan nito na nag-aambag sa “literacy crisis” sa bansa.
Ayon kay Tinio, lumabas sa datos ng Second Congressional Commission on Education na 27 lamang na textbook titles ang na-procure ng Department of Education sa loob ng mahigit isang dekada.
Giit niya, nagsimula ang pagbagsak ng procurement matapos ang K-12 reform nang “talikuran” ng DepEd ang textbooks bilang pangunahing gamit sa pagtuturo at lumipat sa modules at iba pang materials, kabilang ang teacher-made PowerPoint presentations.
“Since 2012 up to now, DepEd has not really moved away from that approach. The main reason only 27 textbook titles were procured in [10] years is because textbooks were no longer being used as the primary tool,” ani Tinio.
Dagdag niya, kung may literacy crisis, isa sa pangunahing problema ay kawalan ng aktwal na librong binabasa ng mga estudyante.
“Kung private schools, nananatiling gamit ang textbooks, pero sa public schools, kadalasan ay photocopied modules lang ang meron ang mga bata,” sabi niya, at iginiit na mahirap magturo ng literacy kung walang tuloy-tuloy na exposure sa libro.
Ayon naman sa DepEd, ginagamit pa rin nila ang textbooks bilang pangunahing learning material, ngunit may mga antala sa delivery sa ilang grade levels. Iniulat din ng ahensya na 31 textbook titles ang na-procure at may naka-schedule pang delivery para sa iba’t ibang baitang mula 2024 hanggang 2026.
Sinabi ni Tinio na hindi sapat ang mabilis na procurement lamang, kundi kailangan ding baligtarin ang matagal nang polisiya na isinantabi ang textbooks sa public education system.
“Hindi sapat ang rekomendasyon kung wala namang librong dumarating. Dapat tiyakin ang kumpleto at maagap na delivery, at dapat gawing sentro ulit ng pagkatuto ang pagbabasa at paggamit ng aklat,” dagdag niya.

Share.
Exit mobile version