Nanawagan ang Inter-Agency Council for the Monitoring and Implementation of Republic Act No. 11106 na itigil ang paggamit sa Filipino Sign Language bilang simbolo ng kawalang-silbi sa mga komentaryong politikal at satirical memes.
Sa pahayag nitong Huwebes, nabahala ang konseho sa pagkalat ng memes na inilalarawan ang isang opisyal ng pamahalaan bilang FSL interpreter upang palabasing wala itong mahalagang tungkulin.
“Sa larangan ng karapatang pantao, karaniwang itinuturing ang pagtutol, pampublikong talakayan, at masining na paglikha bílang pinakamataas na anyo ng kalayaan sa pagpapahayag sapagkat, sa isang makabuluhan at mapanuring demokrasya, ginagamit ang kalayaang ito upang panagutin ang mga awtoridad at mahanap ang katotohanan,” ayon sa IAC.
“Bagama’t kinikilala ng IAC na mahalagang bahagi ng pampolitikang pagpapahayag ang satira at parodya, hindi dapat isagawa ang ganitong komentaryo sa paraang nakapipinsala sa dangal ng komunidad ng mga Binging Pilipino o kayâ ay nagpapatibay at nagpapanatili ng mga mapaminsalang maling paniniwala hinggil sa aksesibilidad at sa napakahalagang papel ng FSL,” dagdag nito.
Kinikilala ng Republic Act No. 11106 o Filipino Sign Language Act ang FSL bilang pambansang sign language ng Filipino Deaf community at opisyal na sign language ng pamahalaan.

Share.
Exit mobile version