Ikinatwiran ni US President Donald Trump na hindi niya gagamitin ang nuclear weapon laban sa Iran, kasunod ng mga nauna niyang banta ng matinding pagwasak sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
“No, I wouldn’t use it,” sinabi ni Trump sa mga mamamahayag sa White House. “Why would I use a nuclear weapon when we’ve, in a very conventional way, decimated them without it?” aniya pa. “A nuclear weapon should never be allowed to be used by anybody.”
Ang pahayag ay kasunod ng nauna niyang babala noong Abril 7 laban sa Iran na ang “whole civilization will die tonight, never to be brought back,” bago kalaunan ay pumayag sa isang ceasefire sa sigalot na kinasasangkutan ng Estados Unidos at Israel, na kalaunan ay pinalawig.
Nauna nang sinabi ni Vice President JD Vance sa panahon ng tensyon na handa ang Estados Unidos na palakihin pa ang pinsala sa Iran gamit ang mga armas na hindi pa nagagamit noon, ngunit mariing itinanggi ng White House na tumutukoy ito sa nuclear weapons. Si Vance ay kabilang din sa mga nakipag-usap sa Iran sa nabigong negosasyon para sa mas malalaking konsesyon sa nuclear program nito.
Muling iginiit ni Trump na ang layunin niya ay isang Iran “without a nuclear weapon that’s going to try and blow up one of our cities or blow up the entire Middle East.” Patuloy namang itinatanggi ng Iran na may plano itong bumuo ng nuclear weapon, habang sinabi ng UN nuclear watchdog na hindi pa malapit ang Iran sa pagkakaroon ng atomic bomb bago sumiklab ang sigalot.
Ang Estados Unidos ang tanging bansang gumamit ng nuclear weapon sa digmaan, sa Hiroshima at Nagasaki noong World War II, na ikinamatay ng tinatayang 214,000 katao. Ang Israel naman ay malawak na pinaniniwalaang may nuclear weapons ngunit hindi ito opisyal na kinikilala.
Ang pahayag ni Trump na tuluyang hindi paggamit ng nuclear weapons ay taliwas sa matagal nang polisiya ng Estados Unidos na pinapanatili ang opsyon ng paggamit nito sa ilang sitwasyon, kabilang ang pagtanggi sa “no first use” commitment sa nuclear doctrine ng bansa.
