Itinutulak ng Department of Education (DepEd) ang mas pinalakas na hakbang upang palawakin ang access ng mga guro sa pampublikong paaralan sa international scholarships at exchange programs, bilang bahagi ng pagsisikap na mapahusay ang basic education sa bansa.
Sa “Teach Beyond Borders: Global Scholarships and Exchange Fair” na ginanap sa SEAMEO INNOTECH noong Mayo 29, pinagsama ng DepEd ang mga scholarship providers, exchange partners, at mga guro upang magbigay ng mas madaling access sa mga oportunidad sa pag-aaral at pagsasanay sa ibang bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalagang mabigyan ang mga gurong Pilipino ng global exposure upang maipakilala at maibalik sa bansa ang mga makabagong pamamaraan sa pagtuturo.
“We must continually equip our teachers with global perspectives so they can bring innovative practices back to our local classrooms,” ani Angara.
Dagdag pa niya, ang international scholarships ay hindi lamang gantimpala kundi isang mahalagang pamumuhunan para sa kinabukasan ng mga mag-aaral.
Layunin din ng programa na gawing mas madali ang pag-access sa impormasyon tungkol sa scholarships sa pamamagitan ng isang one-stop platform para sa aplikasyon, requirements, at proseso.
Ayon sa DepEd, sumusuporta ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang global competitiveness ng mga manggagawang Pilipino at itaas ang antas ng edukasyon sa bansa.
Sinabi ni Assistant Secretary Jerome Buenviaje na ang mga exchange program ay nakatutulong sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga guro at pagpapabuti ng kalidad ng pagtuturo.
Kabilang sa mga tampok ng programa ang mga alumni ng international exchange na nagbahagi kung paano nakaapekto sa kanilang pagtuturo ang karanasan sa ibang bansa, kabilang ang mga programang sa Korea, Spain, Japan, at SEAMEO.
Ayon sa DepEd, inaasahang ang mga gurong makikinabang sa mga scholarship ay magbabahagi rin ng kanilang natutunan upang mas mapalakas ang sistema ng edukasyon sa buong bansa.

Share.
Exit mobile version