Nakakaawa ang isang obstructionist na katulad ni Senadora Imee Marcos dahil nakadepende lamang sa paggamit ng fake news para makapanira sa gobyerno at magkalat ng mga maling impormasyon.
Ito ang sagot ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa mga banat ng senadora sa kanyang pagdalo sa rally ng Iglesia Ni Cristo nitong Martes ng gabi sa EDSA.
Ayon kay Castro, hindi niya matukoy kung bulag o nagbubulag-bulagan, o talagang nakapikit ang mata ng senadora sa katotohanan para masiraan lamang ang kasalukuyang gobyerno kahit na marami na ang nagawang tulong lalo na sa mga magsasaka at mangingisda.
“Nakakaawa, nakakaawa ang mga obstructionist na tulad ng isang senadora. Nagre-rely, gumagamit ng fake news para makapanira lamang at para maikalat ang mga ganitong klaseng maling impormasyon,” ani Castro.
Pero nakakaawa aniya ang mga taong pumalakpak habang nakikinig kay Senadora Imee dahil malamang hindi nila alam ang mga sinasabi nito ay mga kuwentong walang basehan, at ginagawa silang mangmang.
Binigyang-diin ni Castro na nagpapakitang-gilas ang senadora sa pagsira sa gobyerno lalo na sa Pangulo gayong noong panahon ng Duterte administration ay alam niyang umamin ang dating Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit ng ilegal na droga pero wala itong ginawa.
Sa kabila aniya ng pag-amin ni Duterte ay nanahimik ito at walang anomang pintas taliwas sa ginagawa nitong pag-iingay ngayon para siraan ang sariling kapatid sa publiko.

Share.
Exit mobile version