Sentro ng paggunita sa ika-24 na Philippine-Spanish Friendship Day ang bayan ng Baler, Aurora ngayong Hunyo 30, kung saan tampok ang mga seremonyang nagbibigay-pugay sa makasaysayang ugnayan ng Pilipinas at Espanya.
Nagsimula ang opisyal na pagdiriwang sa wreath-laying ceremony sa Dikaloyungan Marker bilang pag-alala sa kabayanihan ng mga Katipunero at sa makasaysayang Siege of Baler.
Bahagi rin ng tatlong araw na selebrasyon ang mga paligsahan, mga programang pangkultura, at iba pang aktibidad na nagtatampok sa ibinahaging kasaysayan at pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Inaasahan ding bubuksan ngayong araw ang bagong landmark ng pagkakaibigan sa loob ng National Museum of the Philippines–Baler bilang simbolo ng pagkakasundo at pagkakaisa.
Mahigpit namang naglatag ng seguridad, traffic assistance, at route security ang kapulisan upang matiyak ang maayos at ligtas na pagdaraos ng mga aktibidad.
Ang Philippine-Spanish Friendship Day ay ginugunita tuwing June 30 sa bisa ng Republic Act No. 9187 bilang pag-alala sa makasaysayang pagkakasundo ng mga Pilipino at Espanyol matapos ang Siege of Baler.

Share.
Exit mobile version