Ipinagdiwang nitong Miyerkules ng Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag sa Pangasinan ang ika-100 anibersaryo ng canonical coronation ng imahen ng Mahal na Birhen.
Libu-libong deboto ang nakiisa sa prusisyon sa kabila ng matinding init, sa hangaring makalapit sa imahen ng Our Lady of Manaoag.
Nagsimula ang pagdiriwang sa enthronement at solemn reenactment ng coronation, na sinundan ng Misa na pinangunahan nina Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at Papal Nuncio Archbishop Charles Brown.
Dumalo rin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos, kung saan kanilang iniabot ang ceremonial crowns kay Brown.
Ipinakita rin sandali sa labas ng simbahan ang imahen upang makapagbigay ng debosyon ang mga mananampalataya.
Nagtapos ang centennial celebration sa Eucharistic Mass na pinangunahan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, na sinundan ng grand procession, drone show, at fireworks display.
Ang imahen ng Our Lady of Manaoag ay nakadamit ng ginto at iniuugnay sa salitang Pangasinense na “mantaog,” na nangangahulugang “tawagin,” kaugnay ng salaysay ng pagpapakita ng Birhen sa isang magsasaka upang magpatayo ng simbahan.
Ayon sa Church historian na si Fr. Wilhelm Boñon, OP, hindi opisyal na kinikilala ng Simbahan ang naturang aparisyon bilang milagro, at ang debosyon ay nakaugat sa pananampalataya ng mga tao.
Binigyang-diin din niya na ang pagpunta sa Manaoag ay dapat nakatuon sa pagpapalalim ng pananampalataya sa Diyos at hindi lamang sa mga ritwal at debosyonal na gawain.

Share.
Exit mobile version