Tinanggihan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang panawagan ng mga senador ng minority bloc na sumuko siya sa International Criminal Court (ICC) matapos maglabas ito ng warrant of arrest laban sa kanya.
Sa isang interbyu, iginiit ni Dela Rosa na karamihan umano sa mga Pilipino ay tutol sa kanyang pagsuko sa ICC.
“Pero 90% ng Pilipino nagsasabi sa akin, ‘Sir, huwag kang magpapahuli sa mga dayuhan. Filipino tayo, we are a sovereign state. Hindi tayo miyembro ng ICC. Huwag na huwag kang magpapahuli,’” aniya.
Iginiit din niya na pulitika lamang umano ang nasa likod ng isyu.
“Hindi ako na namomolitika dito but I’m stating a fact. Lahat ng tao na siya sabi sa akin, ‘Sir, huwag kang magpapasiil sa mga dayuhan.’ Dahil alam namin ang background nito, political lang itong lahat bakit nagkagaganoon,” dagdag pa niya.
Noong Martes, naghain sina Senador Francis Pangilinan, Vicente Sotto III, Panfilo Lacson, Risa Hontiveros, at Bam Aquino ng Proposed Senate Resolution No. 395 na nananawagan kay Dela Rosa na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad matapos maglabas ng arrest warrant ang ICC.
Ayon sa resolusyon, matagal nang iginagalang ng Senado ang judicial at prosecutorial processes laban sa mga miyembro at dating opisyal nito. Binanggit dito ang mga kaso nina dating senador Juan Ponce Enrile, Leila de Lima, at Antonio Trillanes IV.
Kabilang si Dela Rosa sa mga sinasabing co-perpetrators ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y “common plan” upang “i-neutralize” ang mga hinihinalang kriminal sa pamamagitan ng mararahas na krimen kabilang ang pagpatay kaugnay ng war on drugs ng Duterte administration.
Nanatiling nakakulong si Duterte sa The Hague habang hinihintay ang paglilitis sa kasong crimes against humanity kaugnay ng umano’y extrajudicial killings noong siya ay pangulo at alkalde ng Davao City.

Share.
Exit mobile version