Hinimok ni dating senador Antonio Trillanes IV nitong Martes si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na tiyaking maaaresto si Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y extrajudicial killings sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
“Unang-una po, kailangan bantayan ito ni Secretary Remulla. ‘Yung pinagmamalaki niyang dragnet, ito na. Kailangan hindi ‘yan makalabas kasi maraming butas ‘yang opisina ng Senado,” pahayag ni Trillanes sa panayam ng GMA News Unang Balita. “So, ito po, antayin na lang po natin kung ano ang magiging pasya ng mga awtoridad. Pero definitely mananagot at mananagot po itong si Bato dela Rosa.”
Ayon sa kanya, dapat tiyakin ng mga awtoridad na hindi makatatakas si Dela Rosa, at iginiit na may naganap umanong koordinasyon sa tangkang pagsilbi ng warrant ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Senado. “Sa aking paniniwala, meron naman kasi magkapareha silang nagbabantay doon sa iba’t ibang entry points. Hindi naman po mangyayari ‘yan kung nag-gatecrash lang po ‘yung NBI. I think there was coordination and it was already admitted by Senator Sotto,” aniya.
Ibinigay ni Trillanes ang pahayag matapos ang insidente noong Lunes kung saan tinangkang ipatupad ng NBI ang ICC warrant sa loob ng Senado, na nagdulot ng tensyon at kalauna’y pagbabago sa liderato ng Senado, kung saan pinalitan si Senador Vicente “Tito” Sotto III ni Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate president.
Sinabi rin niya na inilabas ng ICC Pre-Trial Chamber I ang warrant noong Nobyembre 6, 2025, ngunit hindi agad ito naipatupad matapos umanong magtago si Dela Rosa. “Noong mga panahon na iyon, in-announce ni [Ombudsman Jesus Crispin Remulla] ‘yung warrant. Kaya dahil doon, nagtago na itong si Bato dela Rosa,” ani Trillanes.
Dagdag niya, hindi ipinapahayag sa publiko ang tinatawag na sealed warrant upang masiguro ang matagumpay na pag-aresto. “At simula noong panahon na iyon, ngayon na lang po ulit lumabas si Bato. At ganyan po ang nature ng sealed warrant. Para ma-serve talaga para mahuli talaga ay hindi siya ina-announce sa publiko,” aniya.
Kinuwestyon din niya ang desisyon ng Senado na ilagay si Dela Rosa sa protective custody, at iginiit na ang kasong crimes against humanity ay hindi saklaw ng proteksiyong konstitusyonal laban sa pag-aresto sa loob ng sesyon ng Senado. “Bawal po. ‘Yun ‘yung ginawa po ni Alan Cayetano. Nasa Saligang Batas natin na ang hindi lang puwede arestuhin ay ‘yung may kaso ng six years or below. Ito po crimes against humanity, life imprisonment po ang hatol dito. Kaya hindi puwede ‘yun,” pahayag niya.
Binalikan din niya ang kanyang sariling pag-aresto sa Senado noong 2018, gayundin ang kay dating senador Leila de Lima noong 2017, at sinabing, “Kaya wala pong safe haven na sinasabi.”
Iniugnay rin ni Trillanes ang mga kaganapan sa Senado sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte, at sinabing maaaring magbago ang boto ng ilang senador kapag nailatag na ang ebidensya.
Trending
- Sharon in-unfollow ng fans
- Mikee Cojuangco, lola na
- Diwata, nag-throwback sa LED Billboard
- Thunder tinalo ang Lakers
- Beermen pasok na sa quarterfinals
- SPD: Higit 300 pulis ipinakalat sa paligid ng Senado
- Supporters ni Dela Rosa sa labas ng Senado, sinita
- Taas-presyo sa gasolina, rollback sa diesel next week
