Halos 1,000 atleta, kabilang ang mga kalahok mula sa ibang bansa, ang lalahok sa ICTSI Philippine Athletic Championships na nakatakda sa Hunyo 10-14 sa New Clark Athletics Stadium sa Capas, Tarlac.
May kabuuang 870 atletang Pilipino ang maglalaban-laban, kabilang ang mga nasa national pool at iba pa na kakatawan sa mga lokal na club.
Magpapadala ng mga kalahok ang Chinese-Taipei, Canada, Indonesia, Malaysia, Papua New Guinea, Singapore, Samoa at Estados Unidos sa trackfest na inihahandog din ng Philippine Sports Commission.
Ang mga South Koreans ang may pinakamalaking bilang na 15 kalahok, apat sa men’s at isa sa women’s Open divisions, habang ang iba ay nasa Under-18 at Under-20 categories.
Magpapadala ang Papua New Guinea ng 12 atleta habang ang mga kalapit na bansa na Indonesia at Singapore ay may tig-10 atleta sa kompetisyon na inihahandog ng Bases Conversion Development Authority at New Clark City, dagdag ng opisyal ng PATAFA.
Sinabi ni Terry Capistrano, Pangulo ng PATAFA, na ang kaganapan ay “mahalaga” para sa paglago ng isport sa bansa.
Ang mga atletang Pilipino na nakabase sa ibang bansa na lalahok sa kompetisyon ay pangungunahan ng mga beterano ng Olympic Games na sina Kristina Knott at Lauren Hoffman, na kumatawan sa bansa sa edisyon ng quadrennial sportsfest sa Tokyo at Paris, ayon sa pagkakabanggit.  
Kasama rin sa mga kalahok ang 33rd Thailand Southeast Asian Games double silver medalist na si Yacine Guermali, ang bronze medalist sa pole vault na si Elijah Cole at ang women’s 200-meter bronze medalist na si Zion Corrales Nelson, bukod sa iba pa.
Ang kompetisyon ay magsisilbi ring qualifying event para sa ika-20 Asian Games na nakatakdang idaos mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 sa Aichi-Nagoya, Japan.

Share.
Exit mobile version