Ibababa ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge sa Level 15 para sa mga biyahe mula Mayo 16 hanggang 31, mula sa dating Level 18 sa unang kalahati ng Mayo.
Sa bagong antas, ang fuel surcharge para sa domestic flights ay nasa pagitan ng PHP491 hanggang PHP1,436, depende sa layo ng biyahe. Samantala, ang international flights ay papatawan ng surcharge na mula PHP1,621.42 hanggang PHP12,056.
Mas mababa ito kumpara sa kasalukuyang Level 18, kung saan ang domestic surcharge ay nasa PHP593 hanggang PHP1,734, at ang international surcharge ay nasa PHP1,958.44 hanggang PHP14,561.87.
Ang fuel surcharge ay karagdagang singil ng mga airline bukod sa base fare upang mabawi ang epekto ng pagbabago-bago ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa CAB, nagpapatuloy ang 15-araw na monitoring at adjustment cycle upang mabawasan ang epekto ng paggalaw ng presyo ng krudo sa pamasahe sa eroplano. Mananatili ang interim measure hanggang sa maging stable ang sitwasyon o mabago o mapawalang-bisa ito.
Sa isang advisory, sinabi ng CAB na ang mga airline na nagnanais magpataw ng fuel surcharge ay dapat magsumite ng aplikasyon bago ang bisa ng itinakdang period. Itinakda rin ang palitan ng piso kontra dolyar sa PHP61.18 para sa Mayo 16–31.

Share.
Exit mobile version