Nahaharap sa kasong Usurpation of Official Functions ang TV host at dating hepe ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na si Arnaldo “Arnell” Ignacio nang sampahan ng kaso ng Office of the Ombudsman kaugnay ng kontrobersyal na P1.4 bilyong halaga ng pagbili ng mga ari-arian ng ahensya.
Sa isang pahayag noong Sabado, Hulyo 11, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na natanggap ng kanilang tanggapan noong Hulyo 7 ang resolusyon ng Ombudsman na may petsang Hunyo 19, 2026.
Nakasaad sa resolusyon na napag-alaman umano ng Ombudsman na si Ignacio umano ang lumagda sa contract to sell, deed of absolute sale, at kaugnay na addendum ng transaksyon.
Inaprubahan din umano niya ang pagpapalabas ng pondo ng gobyerno nang walang pahintulot mula sa OWWA Board of Trustees.
Ayon kay Cacdac, ito ang naging batayan upang irekomenda ng Ombudsman ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code, o usurpation of official functions.
Sa desisyon ng Ombudsman, nakasaad na kumilos umano si Ignacio na para bang may awtoridad siya mula sa OWWA Board kahit batid niyang wala siyang ganoong kapangyarihan.
Anila, hindi lamang ito simpleng paglabag sa mga administrative procedure kundi maituturing na isang kriminal na paglabag.
Ipinaliwanag din ng DMW na hindi lamang teknikal na pagkukulang ang hindi pagkuha ng pag-apruba ng Board of Trustees. Ayon sa kanila, nalampasan nito ang mga mekanismo ng transparency at oversight na itinakda sa OWWA Charter at nagsagawa umano si Ignacio ng mga hakbang na wala sa saklaw ng kaniyang legal na mandato.
Ayon kay Cacdac, may kaakibat na parusang pagkakakulong mula anim na buwan hanggang apat na taon ang kasong usurpation of official functions.
Inatasan na rin ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaukulang impormasyon laban kay Ignacio sa tamang hukuman.
Matatandaang tinanggal si Ignacio bilang OWWA administrator noong Mayo 2025 dahil sa umano’y pagkawala ng tiwala at kumpiyansa ng pamahalaan sa kaniya, kasunod ng mga kontrobersiyang may kaugnayan sa nabanggit na land acquisition deal na sinasabing hindi rin inaprubahan ng OWWA Board of Trustees.
“”Former administrator Ignacio did not resign from office. He was removed and replaced on the count of loss of trust and confidence due to an anomalous ₱1.4 billion land acquisition deal that did not go through the OWWA Board of Trustees on at least six counts,” pahayag ni Cacdac sa panayam ng GMA News noong Mayo 2025.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Ignacio tungkol dito.
Trending
- Kyline Alcantara nabiktima ng phishing scam
- Ogie, aminadong hindi bet ang asawa ni Leila
- Bea, sinabing kayang mabuhay nang walang lalaki
- Dumadaming bilang ng menor sa social media, pinuna
- Petitioner sa NCAP may kondisyon
- Dagdag benepisyo sa Philhealth members
- Publiko inalerto sa ‘W.I.L.D diseases’ ngayong tag-ulan
- US umatake sa Iran ; pero kasunduan posible pa
