Usap-usapan ngayon sa social media ang tsikang muling nagpakasal si Gerald Sibayan, ang dating asawa ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas.

Ikinasal umano si Gerald sa kanyang non-showbiz girlfriend na si Nadine sa isang seremonya na ginanap sa San Francisco City Hall sa Amerika.

Nabanggit ang umano’y pagpapakasal ng dating asawa ni Ai Ai sa “Showbiz Updates” nitong Setyembre 9.

Ayon sa showbiz insider na si Ogie Diaz, wala pa silang ibang detalye tungkol sa naturang kasal ngunit nakumpirma umano sa kanilang source na nagpakasal na ang dating mister ni Ai Ai.

“Wala kaming masyadong detalye dito. Pero ang sigurado, ikinasal na si Gerald Sibayan sa non-showbiz girlfriend nitong ang pangalan ay Nadine sa San Francisco City Hall sa USA,” ani Ogie.

“Sa ngayon si Gerald ay naninirahan sa US kasama ang bago nitong asawa,” dagdag niya.

Habang sinusulat ang balitang ito’y wala pang reaksiyon si Ai Ai tungkol sa umano’y pagpapakasal ng kanyang dating asawa.

Matatandaang kontrobersiyal ang paghihiwalay nina Ai Ai at Gerald dahil sa akusasyon ng cheating at pambababae.

Kinumpirma ni Ai Ai ang paghihiwalay nila noong November 2024 at nag-divorce sila noong March 2026.

Ang dahilan daw ni Gerald ay gusto nitong magkaanak at hindi na raw masaya sa kanilang pagsasama ni Ai Ai.

Share.