Kinasuhan si dating Budget Secretary Amenah Pangandaman ng technical malversation, graft, at iba pang administrative charges kaugnay ng umano’y ilegal na paglilipat ng pondo ng mga government corporations patungo sa national treasury, ayon sa supplemental complaint na isinampa sa Office of the Ombudsman nitong Huwebes.
Sa reklamo ni Dr. Tony Leachon, hiniling na isama si Pangandaman sa mga naunang kaso kaugnay ng umano’y unconstitutional transfer ng P60 bilyong excess funds ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at P107 bilyon mula sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC).
Ayon kay Leachon, bilang dating kalihim ng Department of Budget and Management (DBM), si Pangandaman ay umano’y nag-apruba o nagbigay-daan sa mga budget execution measures tulad ng Special Allotment Release Orders (SAROs) at Notices of Cash Allocation (NCAs) na naging bahagi ng kontrobersyal na paglilipat ng pondo.
Nakasaad sa reklamo, “Respondent Amenah F. Pangandaman is impleaded only to the extent of acts, approvals, issuances, budget execution measures, or omissions occurring during her tenure as Secretary of Budget and Management,” at idinagdag na ang kanyang pagsama ay kaugnay ng “concerted and coordinated governmental action” sa pagpapatupad ng naturang mekanismo.
Nag-ugat ang kaso sa paglilipat ng excess funds ng PhilHealth patungo sa national treasury, na una nang idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema.
Sa desisyon nito noong Disyembre 2025, iniutos ng Korte Suprema ang pagbabalik ng P60 bilyon at pinawalang-bisa ang ilang probisyon ng 2024 General Appropriations Act at kaugnay na issuances dahil sa “grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction.”
Nauna nang nagsampa si Leachon ng kaparehong reklamo laban sa ilang opisyal, kabilang si Executive Secretary at dating Finance Secretary Ralph Recto, dating DBM Secretary Rolando Toledo, at iba pang opisyal ng kalusugan at pananalapi kaugnay ng parehong kontrobersiya sa pondo.

Share.
Exit mobile version