Naaresto sa pinagsanib na operasyon ng PNP at AFP ang isang dating kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sinasabing sangkot sa ilang high-profile incident sa Maguindanao del Sur.

Kinilala ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang akusado na si Muslimin Amilil na nadakip kahapon sa Purok 3, Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Inaresto siya sa bisa ng mga warrant of arrest para sa mga kasong pamamaslang, bigong pamamaslang, tangkang pamamaslang, robbery at iba pang mabigat na kaso na walang inirekomendang piyansa.

Sinasabing sangkot si Amilil sa March 28, 2026 ambush sa mga tauhan ng PNP sa Shariff Aguak kung saan lima ang nasawi, gayundin sa 2015 Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force o SAF 44.

Ayon sa pulisya, dating tagagawa ng pampasabog ng BIFF si Amilil sa ilalim ni Zainodin Kiaro at naging estudyante umano nina Abdul Basit Usman at Malaysian terrorist na si Marwan.

Itinuturing din siyang senior adviser ng Panenekelan Criminal Gang at iniuugnay sa Dawlah Islamiyah-Hassan Group. 

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Mamasapano MPS si Amilil para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Share.
Exit mobile version