Tahasan nang ipinagbawal sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno ang online betting at lahat ng uri ng pagsusugal matapos palawakin ng Civil Service Commission (CSC) ang polisiya nito upang saklawin ang digital platforms at tradisyunal na sugalan.
Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2600111 na may petsang Enero 19, 2026, saklaw ng pagbabawal ang mga kawani ng national government, local government units, autonomous regional governments, state and local universities and colleges, at government-owned or -controlled corporations with original charters, maliban kung may ibang itinatadhana ang batas.
Ayon kay CSC Chairperson Marilyn Yap, layunin ng polisiya na pangalagaan ang integridad sa serbisyo publiko at maiwasan ang conflict of interest.
“Involvement in gambling may expose public servants to financial vulnerability and conflicts of interest, which can undermine impartiality and erode public trust,” ani Yap.
“This prohibition reinforces the duty of all government personnel to consistently uphold integrity and professionalism in public service,” dagdag niya.
Ayon sa CSC, ang gambling ay anumang laro para sa pera o may halaga kung saan ang resulta ay pangunahing nakasalalay sa tsamba.
Partikular na saklaw ng bagong polisiya ang online casinos, e-bingo, e-sabong, at internet-based gambling gamit ang anumang device.
Ipinagbabawal din sa mga empleyado ng gobyerno ang pagpasok, pananatili, o pakikilahok sa casinos, gambling houses, at kahalintulad na establisimyento, land-based man o sea-based, sa loob o labas ng Pilipinas, kahit lisensyado.
Bawal din ang promosyon o pagpapadali ng anumang uri ng sugal, kabilang ang private o informal betting arrangements.
Nilinaw ng CSC na pagdalo lamang sa gambling venues ay maituturing nang paglabag maliban kung bahagi ito ng awtorisadong tungkulin.
Maaari namang payagan ang aktibidad para sa charitable, civic, o public welfare purposes, gayundin ang mga larong hindi ipinagbabawal ng batas, basta walang bahid ng impropriety o conflict of interest.
Maaaring ireport ang mga paglabag sa pamamagitan ng CSC Contact Center ng Bayan at iba pang complaint mechanisms, kabilang ang anonymous complaints.
Sa ilalim ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, ang unang paglabag ay may kaparusahang reprimand, suspension sa ikalawang offense, at dismissal sa ikatlong offense, bukod pa sa posibleng kasong kriminal o sibil.
Trending
- Wowen’s football ng North Korea dadayo sa South Korea
- Anthony Edwards kuwestiyonable para sa game 1
- Tuesday Vargas umapela ng suporta
- Heart, umayuda sa mga batang may genetic blood disorder
- Sofia Trazona, ibinalandra ang ‘cocomelon’
- 1 pulis patay, 4 sugatan sa engkuentro
- Anti-political dynasty, LEDAC measures nakapila
- Seguridad sa trabaho at proteksyon sa scam
