Pinangunahan ni Valenzuela Mayor WES Gatchalian , ang pag-upgrade ng Valenzuela City Emergency Hospital (VCEH) mula sa isang infirmary tungo sa Department of Health (DOH)-accredited Level 1 na ospital kung saan pinalawak pa nito ang healthcare services para Pamilyang Valenzuelano.
Ang VCEH ay pinasinayaan noong 2012 sa ilalim ni dating Mayor WIN Gatchalian bilang isang infirmary. Noong Hunyo 5, 2023, itinayo ng lungsod ang VCEH Multi-level Parking Building at ang rehabilitasyon ng pangunahing gusali ng ospital na nagbigay sa pasilidad ng mga pinahusay na espasyo at karagdagang imprastraktura upang suportahan ang expanded operations nito.
Sa bago nitong Level 1 hospital accreditation, ang VCEH ay nagbibigay na ngayon ng mga karagdagang serbisyo, kabilang ang mga serbisyo ng anesthesia, operating room, Level 1 imaging services, pinalawak na departamento ng outpatient, at mga piling elective major surgeries na mas malapit sa mga residente na ma-access ang mga karagdagang serbisyo sa ospital.
Sa kanyang maikling mensahe, muling pinagtibay ni Mayor WES ang pangako ng Pamahalaang Lungsod na i-maximize ang bagong pasilidad at ang mga pinalawak na serbisyo nito upang makatulong sa pagpapagaan ng pasanin ng Pamilyang Valenzuelano.
Kasabay nito ay ang pagpapalawak ng Valenzuela HOPE Molecular Laboratory, na maaari na ngayong magproseso ng mga karagdagang diagnostic test kabilang ang viral respiratory panel, leptospirosis, human papillomavirus (HPV), at arbovirus testing, na lalong nagpapalakas sa kapasidad ng lungsod para sa laboratory-based na diagnosis.
Bukod sa mga ito, inihayag din ni Mayor WES ang kanyang mga plano na fully digitize medical transactions sa buong lungsod na layong i-streamline ang healthcare processes at gawin itong mas mabilis, mas mahusay, at madaling ma-access para sa mga pasyente.(Roger Panizal)
