Isang drone attack ang tumama sa paligid ng Barakah nuclear power plant ng United Arab Emirates (UAE) nitong Linggo na nagdulot ng sunog sa isang electrical generator at muling nagpalamat sa ceasefire kaugnay ng Iran war.
Ayon sa mga awtoridad sa Abu Dhabi, walang nasaktan at wala ring naiulat na pagtagas ng radiation matapos ang insidente.
Gayunman, agad na napunta ang hinala sa bansang Iran dahil sa tumitinding pagbabanta nito laban sa UAE nitong mga nakaraang araw.
Pinaniniwalaang ikinagalit ng Iran ang pagtanggap ng UAE sa mga Israeli Iron Dome missile defense system at tropa sa kasagsagan ng digmaan.
Sa ngayon, wala pang grupong umaako sa naturang pag-atake.
Patuloy ring nababahala ang international community dahil hawak pa rin umano ng Iran ang kontrol sa Strait of Hormuz — isang mahalagang rutang dinadaanan ng halos ikalimang bahagi ng langis at natural gas sa buong mundo bago sumiklab ang digmaan. Dahil dito, naapektuhan ang pandaigdigang suplay ng enerhiya.
Samantala, patuloy naman ang pagharang ng Amerika sa mga Iranian port habang hindi pa rin umuusad ang negosasyon para pagtibayin ang ceasefire.
Lalong umiinit ang sitwasyon sa Middle East matapos ding tumaas ang palitan ng putok sa pagitan ng Israel at Hezbollah sa Lebanon nitong mga nakaraang araw, na banta rin sa umiiral na ceasefire sa naturang lugar.
Ang Barakah nuclear power plant, na nagkakahalaga ng $20 bilyon, ay itinayo ng UAE katuwang ang South Korea at nagsimulang mag-operate noong 2020.
Ito ang kauna-unahang nuclear power plant sa Arabian Peninsula at tanging commercial nuclear plant sa Arab world.

Share.
Exit mobile version