Sumuko sa pulisya nitong Miyerkules ng gabi ang driver ng grayish-blue Toyota Vios na umano’y tumakas matapos hindi magbayad ng P1,500 na gasolina sa isang gas station sa Quezon City.
Kinumpirma ito ni Quezon City Police District spokesperson Maj. Jennifer Gannaban sa isang text message.
Naganap ang insidente 3:16 ng madaling araw noong nakaraang Linggo sa isang gas station sa Mindanao Avenue. Ayon sa pulisya, patuloy pa ang imbestigasyon at wala pang inilalabas na karagdagang detalye.
Ito na ang ikatlong “gas-and-run” incident sa Quezon City. Una, isang TNVS driver ang tumakas matapos umanong hindi magbayad ng P5,000 na gasolina sa Barangay Apolonio Samson noong Marso. Ikalawa, tatlong indibidwal ang tumakas din matapos kumuha ng P1,500 na gasolina sa Barangay Payatas noong Abril.
Sa naunang kaso sa Apolonio Samson, sumuko rin ang suspek sa pulisya, habang sa Payatas case ay dalawa sa tatlong suspek ang naaresto. Patuloy na binibigyang pansin ang mga insidenteng ito sa gitna ng oil supply concerns dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.

Share.
Exit mobile version