NAGING emosyonal si Senadora Camille Villar nitong Miyerkoles kasabay ng kanyang apela sa kanyang mga kapwa senator-judge na tumigil na sa pag-atake sa mga kasama na nakakulong at absent sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Villar ang kanyang manifestation bilang tugon sa naunang pahayag ni Senador Erwin Tulfo kaugnay ng mga senator-judge na hindi humaharap sa paglilitis.
“I think we should be reminded that the senators that are being detained and who are not here right now, that is not their choice,” pahayag ng senador.
Aniya, hindi makatarungan na ilarawan ang mga liban na senador bilang nakagawa ng pandarambong o pagnanakaw dahil wala pa sa kanila ang nahahatulan.
“As the youngest member of this august body, can we stop it with these attacks on each other? We are senators of the Philippines. Let us give each other due respect. Let’s give Filipinos due respect,” ani Villar.
“Hindi naman tayo pwedeng kung ano-ano na lang sinasabi natin dito tungkol sa mga colleagues natin, di ba? Huwag naman, di ba? Konting respeto naman,” sambit pa niya.
Muling iginiit ni Villar na hindi pa napatutunayang guilty ang mga absent na senador.
“Kasi lahat naman po ng wala dito, hindi naman po sila napatunayan na may sala. Hindi po sila plunderer. Hindi po sila magnanakaw. Hindi po sila napatunayan na gano’n. So huwag naman tayo tumayo diyan at maglo-blow ng gano’n,” ayon pa sa senador.
Sa kasalukuyan, nakakulong sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta dahil sa kasong plunder.
Si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay nagtatago dahil sa arrest warrant ng inisyu ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang papel sa drug war ng nagdaang administrasyong Duterte habang naka-medical leave naman si Senador Loren Legarda. (Nino Aclan)

 

Share.
Exit mobile version