Naglabas ng opisyal na pahayag ang aktor na si Rob Sy nang kasuhan ng aktor at konsehal ng Quezon City 5th District na si Alfred Vargas at misis nitong si Yasmine, dahil sa umano’y pambu-bully ng anak nila sa anak ng huli, sa isang swimming training.
“Taking a firm stand against the culture of silence in bullying, Quezon City Councilor Alfred Vargas and his wife, Yasmine, filed a criminal complaint on Monday against the parents of a minor who allegedly bullied and abused their son during swimming activities,” saad sa inilabas na joint statement ng mag-asawa sa social media noong Lunes, Abril 13.
Inihain ang reklamo sa Office of the City Prosecutor of Manila dahil sa umano’y paglabag sa section 10 (a) ng Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”
Binanggit pa rito na ang legal na aksyon, bunsod ng umano’y paulit-ulit na panunulak at paghawak ng umano’y bully sa anak nina Alfred at Yasmine sa kasagsagan ng kanilang swimming training sessions at sa kabila ng mga paalala at naunang apela ng mag-asawa sa mga magulang ng menor de edad, nagpatuloy pa raw ang mga umano’y insidente ng bullying.
Dahil dito, binanggit sa reklamo na nabigong gampanan ng mga magulang ng umano’y bully ang ang kanilang legal na tungkulin na disiplinahin ang kanilang anak bagama’t may kaalaman na ang mga ito sa paulit-ulit na pangyayari at panganib nito.
Kaya sa pagsampa ng reklamong ito, hiling ng mag-asawa na magsilbi itong ehemplo ng pagtindig para sa mga pamilyang nagdurusa mula sa bullying at anumang pang-aabuso.
Samantala, agad namang pumalag si Rob gayundin ang partner na si Velle Bacosa hinggil sa kaso.
Mariing pinabulaanan naman ng dalawa ang mga alegasyon ng pagsasagawa ng bullying ng kanilang anak sa anak nina Alfred at Yasmine.
Sa isang opisyal na pahayag, iginiit ni Sy na bagama’t batid niyang may mga negatibong reaksiyon mula sa publiko matapos silang pangalanan, nananatili umano siyang kalmado at walang kinalaman sa mga ibinibintang sa kanila.
Ayon sa kaniya, bagama’t may mga larawang kumakalat na tila nagpapakita sa kaniya bilang may sala, hindi umano nito nasasalamin ang tunay na pangyayari. Aniya, siya, ang kaniyang partner, at ang kanilang anak, namumuhay nang maayos at may disiplina.
Dagdag pa ni Sy, may mga testigo at ebidensiyang hawak ang kanilang panig na maglilinaw kung sino ang tunay na sangkot sa umano’y pambu-bully noong Pebrero 2026. Gayunman, tumanggi muna siyang ilahad ang mga detalye habang hindi pa umano ito dinadala sa tamang proseso.
Samantala, hinikayat niya ang publiko na umiwas sa agarang paghusga at pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, lalo na ang paglalathala ng mga larawan na may kinalaman sa mga menor de edad.
Binanggit din ni Sy ang paalala ng kanilang legal counsel na si DJ Jimenez, na nagsabing labag sa batas ang pagpapakalat ng hindi awtorisadong imahe ng mga bata.
Bago pa man sumiklab ang isyu, ibinahagi na ng partner ni Sy ang umano’y karanasan nila ng kaniyang anak noong Pebrero 14, 2026, kasabay ng isang swimming competition sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ayon sa kaniya, nakaranas umano sila ng pangha-harass mula sa isang indibidwal na hindi pinangalanan kung saan pinahiya sila sa harap ng maraming tao.
Ikinuwento rin niyang labis na natakot ang kanilang walong taong gulang na anak, na nauwi sa pag-iyak at panginginig.
Sa kabila nito, pinili umano nilang manahimik at ipaubaya na lamang sa Diyos ang insidente matapos silang payuhan ni Sy na pairalin ang pagpapatawad.
Gayunpaman, nagpahayag ang pamilya ng pag-aalala sa kaligtasan ng kanilang anak matapos umano silang makatanggap ng balita hinggil sa pagbabanta rito.
Sa kasalukuyan, nananatiling usapin sa publiko ang naturang alitan habang hinihintay ang susunod na hakbang ng magkabilang panig.

Share.
Exit mobile version