Natimbog ng mga awtoridad ang isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Aurora Province at sekretarya nito matapos na ireklamo ng pangongotong ng isang negosyante sa bayan ng Baler.
Naaresto sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Baler Municipal Police Station (MPS) dakong alas 12:55 ng tanghali nitong Biyernes, Setyembre18, 2026, si Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) Provincial Board Member Randy Ogian Salo at ang kanyang kalihim na si Ronalyn Esteban Pasagian, na pawang residente ng Barangay Ditale Dipaculao, Aurora.

Isinagawa ang entrapment operation kaugnay ng reklamong may kinalaman sa sinasabing iregularidad sa pagbabayad ng mga serbisyo sa transportasyon na ginamit noong 2025 Indigenous Peoples Day.

Iniulat ng pulisya na PHP260,000 ang narekober sa operasyon at ang mga naaangkop na kaso sa ilalim ng Republic Act No. 3019, o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, ay inihahanda para sa pagsasampa sa Office of the Provincial Prosecutor.

Kasalukuyang nasa kandili ng Baler MPS ang naarestong bokal at sekretarya nito, gayundin ang mga ebidensya habang ikinakasa ang kasong paglabag sa Republic Act (RA-3019) o ang Anti Graft and Corruption Practices laban sa naturang mga suspect.(Danilo Gravador)

Share.
Exit mobile version