MAGPAPATUPAD ng malaking rollback sa presyo ng produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa simula Abril 14, 2026, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.
Ayon DOE, bababa ang presyo ng diesel ng ₱20.89 kada litro, habang ang gasolina ay may bawas na ₱4.43 kada litro, at ang kerosene naman ay ₱8.50 kada litro.
Ipinaliwanag ni Garin na ang rollback ay batay sa average ng huling limang araw ng pandaigdigang presyo ng langis kumpara sa nakaraang linggo.
“Bagama’t hindi pare-pareho ang presyo sa bawat gasolinahan, ito ang minimum na bawas-presyo na dapat asahan,” aniya sa isang social post.
Ang bawas-presyo ay inaasahang magbibigay-ginhawa sa mga motorista matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo dulot ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Noong nakaraang linggo, umabot sa ₱140 hanggang ₱150 kada litro ang diesel sa ilang lugar, habang ang gasolina ay lumampas sa ₱90 kada litro.
Hinimok ng DOE ang publiko na maging mapanuri sa presyo sa bawat gasolinahan at samantalahin ang rollback upang makatipid sa gastusin sa transportasyon.
Sinasabing ang pagbaba ng presyo ay dahil sa pagsisikap ng gobyerno na makaangkat ng suplay sa ibang bansa kasama na ang Russia at Malaysia.
