“Walang maloloko kung walang magpapaloko.”
Ito ang babala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado sa publiko kasabay ng panawagan na manatili silang mapagbantay laban sa mga illegal recruiter at online syndicates.
“Scam syndicates have been preying on unsuspecting Filipinos, enticing them with lucrative offers abroad. We urge everyone to verify the legitimacy of recruiters and job offers through the Department of Migrant Workers,” ani Viado.
Ang naturang panawagan ay matapos iulat ng BI ang pagharang sa isang 35-anyos na lalaking Pilipino sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na umano’y naloko para magtrabaho sa isang scam hub sa Cambodia.
Iniulat ni BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) Chief Mary Jane Hizon na ang indibidwal ay unang nagpakilala bilang isang turista patungo sa Hanoi, Vietnam, sakay ng Cebu Pacific flight sa NAIA Terminal 3 noong Enero 8.
“The traveler claimed that his trip was ‘on-the-spot’ or spontaneous. However, his inconsistent responses during primary questioning raised suspicions, prompting his referral for secondary inspection,” ani Hizon.
Sa isinagawang secondary interview, inamin ng pasahero na ang kanyang tunay na destinasyon ay sa Cambodia. Ibinunyag niya na siya ay na-recruit sa pamamagitan ng Facebook at naakit sa mga pangako ng trabaho sa isang business process outsourcing (BPO) company.
Naiulat na ipinadala ng recruiter ang lahat ng mga travel documents nito sa pamamagitan ng Telegram app at inutusan siyang dumaan sa Vietnam bago tumuloy sa Cambodia.
Binanggit pa ni Hizon na isa itong classic modus operandi ng mga ilegal na sindikato.
“These so-called BPOs are often fronts for scam hubs engaging in illicit activities such as catphishing, where individuals are forced to deceive victims online for financial gain,” ani Hizon.