Todas ang 24-anyos na babaeng mall employee nang pagbabarilin ng hindi pa na­kilalang lalaki nang manlaban habang hinoholdap sa kahabaan ng Samar Loop, Brgy. Luz, Cebu City.

Ang biktima na tinukoy lamang sa pangalang Frince na dead-on-the-spot sa tinamong tama ng bala sa kaniyang ulo.

Sa report ng Cebu City Police nangyari ang insidente 10 ng umaga habang papasok ang biktima sa trabaho sa isang mala­king mall sa nasabing lugar.
Isang lalaki na lulan umano ng motorsiklo ang lumapit dito at agad na hinablot ang cellphone ng biktima na noon kababa lamang sa isang motor ride-hailing service na kaniyang ibinook at maglalakad na ito papasok sa trabaho.

Nanlaban naman ang biktima kung saan walang pakundangan itong pinagbabaril ng holdaper na nasapul sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Ang suspect ay nakasuot din umano ng uniporme ng isang motorcycle ride-hailing service na hinihinala naman ng pulisya na para lamang itago nito ang krimen.

Kasalukuyan nang nirerebyu ng mga pulis ang kuha ng CCTV sa crime scene upang matukoy at maaresto ang suspect.

Share.