Isang 11 anyos na batang lalaki nahulog sa ilog at tangay ng malakas na agos ng -baha dulot ng pagdaan ng malaking trak sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-2:45 ng Sabado ng hapon nang maganap ang insidente sa ilog sa R. Jacinto St. malapit sa Bahay Kalinga, Brgy. Canumay West.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, nakatambay ang biktima, kasama ang kanyang 13-anyos na kaibigan sa maliit na tulay sa naturang lugar nang dumaan ang isang malaking trak sa binabahang lugar na lumikha ng malakas na alon kaya tumalsik ang bata patungong ilog.
Kaagad namang nagsagawa ng paghahanap at pagsagip ang mga tauhan ng barangay at Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) hanggang makita nila ang lumulutang na katawan ng bata sa ilog sa may Raminel Subtivision, T. Santiago St. Brgy. Veinte Reales pasado alas-3:10 ng hapon. (Roger Panizal )
