Pinalilinaw ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang kamakailang insidente ng pagtatapon ng basura sa harap ng DENR Region 11 office.

Ayon sa DENR, sa isang liham na may petsang Hunyo 15, humiling si Regional Executive Director Mercedes Dumagan ng paglilinaw matapos ang pagtatambak ng unsegregated mixed waste sa labas ng kanilang tanggapan.

Kasunod ito ng umano’y pagharang ng ilang DENR personnel sa mga indibidwal na nagtatapon ng basura sa lugar, na itinuro umano ang Facebook post ng alkalde na tinukoy ang compound bilang pansamantalang waste collection point.

“We are clarifying how these incidents came about and reiterating the importance of proper waste handling and compliance with established procedures,” ani Dumangan.

“Our goal is to ensure that waste collection areas are properly designated and consistent with the city’s plan,” dagdag pa niya.

Binigyan si Duterte ng limang araw upang magsumite ng tugon.

Samantala, nagsampa na rin ng criminal complaint si Dumangan laban sa isang Mitsubishi Xpander na nakuhanan sa CCTV na umano’y naghulog ng basura sa lugar.

Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa Philippine National Police (PNP) para matukoy ang iba pang truck at sasakyang nasa lugar nang mangyari ang insidente.

Noong Mayo, ipinasara ng DENR ang isang landfill sa Davao City matapos gumuho ang tambak ng basura na ikinasawi ng dalawang katao. 

Share.
Exit mobile version