Kinumpirma ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na tuloy na tuloy na ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Election sa Setyembre 14, 2026.
Katunayan, sinabi ni Garcia sa Kapihan sa Manila Bay forum na sa kasalukuyan, ang mga pangalan ng mga kandidato ay nai-post na sa website ng komisyon.
Bukod dito, sinabi rin ni Garcia na ilalabas na rin sa linggong ito sa kanilang website ang lahat ng certificate of candidacies ng lahat ng mga kandidato sa Bangsamoro bilang pagtalima sa principle of transparency.
Pero aniya, nagkakaroon pa ngayon ng redaction o tinatanggal pa ang mga personal na impormasyon para hindi magkaroon ng paglabag sa data privacy ng mga kandidato.
Ayon pa kay Garcia, gagawin din ito lalo na sa susunod na mga halalan partikular sa National at Local Elections sa 2028.
Samantala, isa pa lamang ang nasa red category area na nasa munisipyo ng Basilan at wala pang inirerekomenda ang security forces na ilagay sa kontrol ng Comelec ang lugar kung sakaling pumasok na ang election period.
Bukod dito, wala pa ring namomonitor na marahas na election related incidents o karahasan sa Bangsamoro.
Ayon kay Garcia, 80 ang miyembro ng parliyamento. Sa nasabing bilang, 40 ay mula sa political parties, 32 ay mula sa parliamentary districts at walo para sa sectoral organizations.

Share.
Exit mobile version