Anim na katutubong Aeta ang iniulat na nasawi habang apat ang nakaligtas at tatlo pa ang pinaghahanap matapos na tumaob ang isang motorized banca na sinasakyan ng mga ito sa Lake Mapanuepe, Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales, kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Zambales Provincial Director Police Colonel Benjamin Ariola, naganap ang trahedya  pasado alas-dos ng hapon kaya agad naglunsad ng search and retrieval operation ang MDRRMO San Marcelino, BFP at mga operatiba ng 2nd PMFC. 

Batay sa ulat, ang bangka ay papunta ng Sitio Lumibao galing sa Buhawen Proper, San Marcelino nang magkaroon ng aberya ang sinakyang motorized banca sa Lake Mapanuepe. 

Napag-alamang pauwi sa Sitio Lumibao ang mga biktima mula sa Buhawen Proper matapos dumalo sa vaccination activity sa Barangay Center at 4Ps meeting nang tumaob umano ang bangka.

Sa pinakahuling ulat ay sinasabing  sa 13 na sakay ng bangka ay anim ang kumpirmadong nasawi, kabilang ang tatlong bata, habang tatlo pa ang nawawala—isang 5-anyos, 12-anyos at isang buntis at apat naman ang nakaligtas.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, posibleng overloading ang sanhi kaya tumaob ang bangkang kinalululanan ng mga biktima. 

Patuloy ang search and rescue operation ng mga awtoridad para sa tatlong nawawala, habang isinasagawa rin ang pagkilala sa lahat ng biktima. (BTatlonghari)

Share.
Exit mobile version