Malaking ginhawa ang sasalubong sa mga motorista ngayong Setyembre matapos ipatupad ng ilang oil companies ang malaking rollback sa presyo ng diesel at kerosene, kasunod ng dalawang magkakasunod na linggong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Simula alas-6 ng umaga sa Martes, Setyembre 1, magbababa ng presyo ang Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp.

Sa Seaoil, P3.83 kada litro ang ibababa sa diesel, habang P3.84 kada litro naman sa kerosene. Samantala, may P0.32 kada litro na bawas sa gasolina.

Sa Shell, P3.80 kada litro ang rollback sa diesel at kerosene, habang P0.30 kada litro naman ang ibabawas sa gasolina.

Gayunman, wala pang inilalabas na kaparehong abiso ang iba pang oil companies hinggil sa kanilang magiging price adjustments ngayong linggo.

Sa kabila ng bagong rollback, nananatiling mataas ang kabuuang galaw ng presyo ng petrolyo ngayong taon.

Batay sa tala hanggang Agosto 31, umabot na sa P54.92 kada litro ang netong pagtaas ng presyo ng gasolina mula simula ng taon.

Mas malaki naman ang naitalang net increase sa diesel na nasa P59.06 kada litro, habang P51.65 kada litro naman ang netong dagdag sa kerosene.

Inaasahang bahagyang makatutulong ang rollback sa mga motorista, delivery riders, transport operators at iba pang gumagamit ng diesel at gasolina sa kanilang araw-araw na operasyon.

Gayunman, dahil nananatiling malaki ang kabuuang netong taas-presyo ngayong taon, hindi pa rin nito tuluyang nababawi ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo nitong mga nakaraang buwan. 

 

====

Share.
Exit mobile version