Patay ang isang ama matapos pagsasaksakin ng kanyang sariling anak na umano ay may problema sa pag-iisip sa Villa Samantha, Brgy. Lawa, Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng tanghali.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga operatiba ng Meycauayan CPS na pinamumunuan ni PLt. Col Melvin Florida at ayon na rin sa salaysay ng mga saksi, nakarinig sila ng ingay at sigawan mula sa kanilang kapitbahay.
Nang silipin nila ang pinagmulan ng kaguluhan, nakita umano nila ang biktima na paulit-ulit na pinagsasaksak ng suspek.
Matapos ang insidente, agad na tumakas at nagtago ang suspek sa isang madamo at masukal na bahagi sa gilid ng ilog sa Brgy. Lawa.
Agad namang nagsagawa ng magkatuwang na pagpapatrulya at hot pursuit operation ang mga kapulisan at BPATs ng barangay, katuwang ang mga residente, na nagresulta sa mabilis na pagkakaaresto sa suspek.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Meycauayan CPS para sa kaukulang dokumentasyon, imbestigasyon, at disposisyon. Patuloy namang inaalam ng mga
awtoridad ang buong pangyayari at motibo sa likod ng insidente.
Ang mabilis na aksyon at agarang pagkakasresolba sa nasabing krimen ay bunga ng pagtutulungan at koordinasyon ng mga kapulisan, barangay, at komunidad, sa ilalim ng umiiral at mahigpit na implementasyon ng Joint Police-BPATs Mobilization o JBM Patrol System.
Muling pinaalalahanan ng kapulisan ang mga residente na maging mapagmatyag at agad na ireport sa kinauukulan ang anumang kahina-hinalang kilos, pagbabago sa pag-uugali, o insidenteng maaaring magdulot ng panganib upang agad na mabigyan ng kaukulang aksyon.(Danilo Gravador)
