Umani ng atensyon online ang social media post ni Alvin Aragon, asawa ng dating Sexbomb dancer na si Izzy Trazona, matapos siyang maglabas ng mahabang pahayag tungkol sa paggamit ng bed scenes sa mga Philippine teleserye at pelikula.
Sa kanyang mensahe, diretsahang kinuwestyon ni Aragon ang pagkakaroon ng intimate scenes sa mainstream media, lalo na kung ang mga artistang sangkot ay may asawa na.
“Mr Senators and Mrs Senators. Diba ho dapat din itigil ang paghaluin ang Saliva ng leading lady na may asawa na at ang Saliva ng leading man na may asawa na sa kanilang Bed Scenes?” pahayag nito.
Dagdag pa niya, malaki umano ang impluwensya ng mga teleserye at pelikula sa lipunan at maaari itong makaapekto sa mga pamilyang Pilipino.
“Ang mga teleseryes and Philippine Movies ho kasi ang isa sa pinaka malaking influence sa buong bansa natin kung bakit maraming pamilyang nasisira kasi puro affairs,” aniya.
Ikinonekta rin niya ang isyu sa mas malalawak na social concerns tulad ng teenage pregnancy at moral values, habang binanggit din na may mga eksena umanong “nakakapagpainit ng sobra sa maraming Pilipinong lalaki.”
Para kay Alvin, dapat pag-isipan ang epekto ng ganitong klase ng content sa publiko, lalo na sa kabataan.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, nanawagan siya sa mga mambabatas na muling pag-usapan ang posibleng regulasyon sa bed scenes sa TV at pelikula, partikular sa mga kasal na aktor.

Share.
Exit mobile version