Maagang natapos ang kampanya nina Alex Eala at tennis legend Venus Williams sa doubles competition ng Canadian Open.
Ito’y matapos silang yumuko kina Liudmila Samsonova at Miyu Kato, 6-4, 6-3, sa Round of 32 nitong Biyernes sa Toronto.
Naglaro bilang wild-card pair ang tambalang Eala at Williams.
Ikalawang pagkakataon itong nagsama sila sa isang torneo.
Nagpamalas sila ng matinding laban sa unang set ngunit matapos maitabla ang iskor sa 4-4 sa pamamagitan ng isang break, nakabawi sina Samsonova at Kato at nagtala ng anim na sunod na panalong laro upang makontrol ang laban.
Sa ikalawang set, nahulog agad sa 4-0 ang Filipino-American tandem bago nakabawi ng dalawang magkasunod na laro, kabilang ang kanilang unang break sa set, upang paliitin ang agwat sa 4-2.
Muli namang naka-break ang Russian-Japanese duo upang lumapit sa tagumpay sa iskor na 5-2.
Hindi agad sumuko sina Eala at Williams at nakabawi pa ng isa pang break upang manatiling buhay ang kanilang tsansa sa 5-3.
Sa huli, matagumpay na naisara nina Samsonova at Kato ang laban sa sarili nilang service game.
Tuluyang nagwakas ang kampanya ni Williams sa Toronto matapos din siyang matalo sa singles event laban kay Kamilla Rakhimova sa Round of 128 noong nakaraang Lunes.
Samantala, hindi pa tapos ang laban para kay Eala dahil babalik siya sa Center Court sa Sabado ng umaga (oras sa Pilipinas) para harapin si Caty McNally sa ikatlong round ng singles competition.

===

Share.
Exit mobile version