Matinding pagsubok agad ang naghihintay kay Filipina tennis star Alex Eala sa pagsisimula ng kanyang kampanya sa Mubadala DC Open matapos siyang mabunot na makaharap ang Olympic champion na si Zheng Qinwen sa first round ng WTA 500 tournament.
Ayon sa opisyal na draw na inilabas nitong Linggo (oras sa Pilipinas), magtatapat agad ang dalawang manlalaro sa opening round ng torneo.
Bagama’t hindi naging tuloy-tuloy ang kampanya ni Zheng ngayong season, nananatili siyang isa sa mga pinakamapanganib na manlalaro sa women’s tennis.
Naabot na ng 23-anyos na Chinese tennis player ang career-high ranking na World No. 4, bukod pa sa limang WTA titles at pagpasok sa finals ng Australian Open noong 2024.
Samantala, kasalukuyang nasa World No. 29 si Eala at balik-aksiyon matapos ang kanyang makasaysayang kampanya sa Wimbledon ngayong buwan, kung saan nagpakitang-gilas siya laban sa ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo.
Ang magwawagi sa kanilang laban ay haharap sa mananalo sa pagitan ng Polish player na si Magda Linette at Canadian rising star na si Leylah Fernandez sa susunod na yugto ng torneo.
Samantala, inanunsiyo rin ng torneo na hindi na sasabak si Eala sa doubles competition. Sa halip, si Venus Williams ay makikipagpares kay Diana Shnaider, at makakaharap nila sina Ulrikke Eikeri at Quinn Gleason sa unang round.
====
Trending
- Joshua pinatigil si Prenga sa second round
- Alex Eala matindi unang kalaban sa Mubadala DC Open
- Robin, may sagot kay Angel
- Jillian, hilaw pa raw sa concert
- Yakapan nina Kathryn at Julia, nag-trending
- Upper middle-income status dapat maramdaman
- Pamamahagi ng firetrucks sa buong bansa
- Lebel ng tubig sa Angat dam, patuloy na bumababa
