Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na posibleng simulan na sa susunod na linggo ang paggamit ng artificial intelligence (AI) cameras para mahuli ang mga nagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar sa Metro Manila sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre II, maaari nang maglabas ng notice of violation ang ahensya gamit ang CCTV at AI system para sa mga lalabag.
“After one week, we may start implementing this using cameras and we will send notice of violation to erring individuals,” ani Torre.
Dagdag niya, layunin nitong ipatupad ang disiplina sa publiko at masigurong pare-pareho ang pagpapatupad ng batas sa lahat ng LGU.
Gagamitin pa rin ang sistema ng first, second, at third offense, depende sa ordinansa ng bawat lokal na pamahalaan.
Ipinaliwanag din ni Torre na ang AI cameras ay kayang tukuyin kung sino ang nagtatapon ng basura, lalo na sa mga lugar tulad ng EDSA at mga creek areas, at ipapasa ang impormasyon sa barangay para sa pagkilala ng violator.
“We are not doing this for surveillance purposes. We want to equally implement the law so if you did not do anything wrong, you have nothing to be scared of. If you did something bad, there is a consequence,” aniya.
Ayon sa MMDA, inaasahan din na makakatulong ang hakbang na ito sa pagbawas ng baha dahil umaabot sa humigit-kumulang 7,000 tonelada ng basura ang nahuhuli sa mga estero bawat taon.

Share.
Exit mobile version