BALITANG CAMANAVA. HINAMON ni Navotas Representative Toby Tiangco ang House Committee on Appropriations na isapubliko muna ang lahat ng ginawang maniobra sa 2025 National Budget particular ang diskarte ng tinatawag na “small committee.”
Ang pagsasapubliko ng diskarte at maniobra sa 2025 budget ang siyang unang hakbang sa tunay na reporma sa proseso sa pagbabadyet.
Binigyang-diin niya na bago talakayin ang badyet para sa 2026, kailangang maging tapat muna ang Kongreso sa kung paano iminaniobra ang badyet ng 2025.
“Sa lahat ng bagay, bago humingi ng bagong badyet, dapat munang ipakita kung paano ginastos ang nakaraang badyet. Bago pag-usapan ang badyet ng 2026, dapat munang ilantad ang mga pagbabago ng small committee sa 2025,” ani Tiangco.
Dagdag pa niya, kapag nabuo na ng appropriations panel ang tinatawag nitong “sub-committee on budget amendments review,” ang pangunahing tungkulin nito ay siyasatin at ibunyag ang mga isinisingit na pagbabago ng small committee sa badyet ng 2025.
“Kung seryoso kayo at gusto ninyong ipakita ang mabuting hangarin, ang unang hakbang ay ilabas ang mga amendments ng small committee sa badyet ng 2025. Kung ayaw nilang ilabas, kalokohan lang ‘yan,” ani Tiangco sa isang panayam.

Share.