Pintor minolestiya ang paslit, dinakip

ARESTADO ang 57-anyos na pintor na paulit-ulit na hinipuan sa maseselang bahagi ng katawan ang menor-de-edad na biktima makaraag matunton sa pinagtaguang lugar sa Malabon City.

Isinagawa ng mga tauhan ni P/Lt. Redentor Mantala, Jr., hepe ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section, katuwang ang Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Malabon City Police Station ang pagsalakay sa tinutuluyang bahay ni alyas “Rudy” sa Sanciangco St. sa harap ng Super Health Center, Brgy. Catmon, alas-12 ng tanghali noong Lunes na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Ayon kay Lt. Mantala, inaresto nila ang akusado na kabilang sa Top 5 Most Wanted Person sa Malabon sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rhoda Magdalene L Mapile-Osinada ng Branch 289 para sa tatlong bilang na kasong Statutory Acts of Lasciviousness na may inilaang piyansang P324,000.00 para sa pansamantalang paglaya.

Ipinabatid din sa naarestong suspek ang kanyang mga karapatan bilang akusado at isinagawa ang kaukulang proseso alinsunod sa umiiral na batas at pamamaraan.

Matapos ang pag-aresto, isinailalim si alyas Rudy sa kinakailangang pagsusuring pisikal bago siya dinala sa Custodial Facility ng Malabon Police Station para sa pansamantalang pagkakakulong, habang hinihintay ang kaukulang proseso at utos ng hukuman para sa pagliliipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Sinabi naman ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission na ang pagkakadakip kay alyas Rudy ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person at iba pang lumalabag sa batas na isa sa direktiba ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili. (Edison de  Jesus)

 

Larawan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission

 

Share.