Natural at hindi “Salamat, Doc!” ang kanyang ganda—ito ang diretsahang paglilinaw ni Anne Curtis matapos siyang pagdiskitahan ng isang netizen sa social media.

Nagsimula ang intriga nang mag-post sa X ang isang basher ng close-up photo ng “It’s Showtime” host at paratangan itong retokada.

“Retokada yarn? Exhibit A – anak,” sey ng netizen, na idinamay pa ang anak ni Anne na si Dahlia.

Hindi naman ito basta pinalampas ng aktres. Bagama’t bihira siyang pumatol sa bashers, nilinaw ni Anne na wala siyang ipinaretoke sa kanyang mukha.

“Can proudly say I’m not retokada at all and for me, for me lang naman, my daughter and I are both beautiful,” sagot niya.

Kasabay ng pagtatanggol sa sarili, ipinagmalaki rin ni Anne ang ganda ng kanyang anak at hindi hinayaang gawing dahilan si Dahlia para kuwestiyunin ang kanyang hitsura.

Pero imbes na makipagsabayan sa matinding bardagulan, mahinahon pa ring pinili ng aktres na sagutin ang nang-iintriga sa kanya.

“I usually don’t give people like you the time of the day but wala lang. I don’t know who hurt you or why you’re so angry with me but nonetheless sending you some kindness maybe you some in your life.

“Big virtual hug. I mean that, sincerely. Good night!” dagdag ni Anne.

Rumesbak din ang kanyang fans at iginiit na matagal nang nasa showbiz si Anne kaya nakita ng publiko ang kanyang hitsura mula pa noong bata siya.
=====

Share.