Natagpuang patay ang isang pulis na kabilang sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa gilid ng Cotabato-Bukidnon Highway sa Sitio Rabberan, Barangay General Luna, Carmen, Cotabato, nitong gabi ng Biyernes, Setyembre 25, 2026.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Patrolman Faisal Buisan Alang, miyembro ng 1405th Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 14-A ng PRO-BAR.
Batay sa inisyal na ulat, natagpuan si Alang ng mga residente sa lugar na wala nang buhay at may tama ng bala sa ulo.
Si Alang ay isang police integree na naging bahagi ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng integration scheme na kaugnay ng mga kasunduang pangkapayapaan ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).
Naka-destino umano si Alang kasama ng kanyang unit sa bayan ng Malidegao, bahagi ng Bangsamoro Special Geographic Area (SGA), na administratibong sakop ng BARMM ngunit nasa loob ng teritoryo ng Cotabato Province.
Patuloy ang imbestigasyon ng Carmen Municipal Police Station upang matukoy ang motibo at makilala ang mga nasa likod ng pagpatay.
Tinutulungan din umano ng mga opisyal ng Barangay General Luna ang mga imbestigador sa pagkalap ng impormasyon hinggil sa insidente
======

Share.