KAPWA nasa malubhang kalagayan ang maglive-in partner nang pasukin at pagbabarilin ng hindi pa kilalang armadong suspek Miyerkules ng gabi sa Valenzuela City.
Patuloy na inoobsebahan sa Valenzuela Medical Center ang mga biktimang sina si alyas “Jose”. 42, caretaker, sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanang pisngi habang sa leeg naman nahagip ang kanyang kalive-in na si alyas “Rose”, 40, staff ng barangay.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nag-iinuman sa loob ng kanilang bahay sa Villa San Jose, Purok 4, Barangay Mapulang Lupa ang dalawa, kasama ang mga kaibigan nang biglang pumasok ang suspek dakong alas-11:45 ng gabi at tinanong si ‘Jose’ kung bakit hindi siya kasama.
Nang sabihin ng biktima na hindi niya alam ang sinasabi ng suspek, kaagad naglabas ng baril ang gunman at pinagbabaril ang mga maglive-in partner.
Matapos ang insidente, mabilis tumakas ang suspek sakay ng isang motorsiklo patungo sa hindi nabatid na lugar habang isinugod naman ang maglive-in partner ng rumespondeng barangay patrol sa nasabing pagamutan.
Iniutos na ni Col. Talento sa kanyang mga tauhan ang pagsasagawa ng forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril.(Roger Panizal)

Share.