Nagwakas ang paghahanap sa isang lalaki na kabilang sa most wanted persons sa Palawan matapos itong maaresto sa isang manhunt operation sa Barangay Gabaldon, Science City of Muñoz, Nueva Ecija.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Fred,” 31-anyos, isang magsasaka at residente ng Barangay Panacan 2, Narra, Palawan.
Ang akusado ay nahaharap sa anim na bilang ng qualified rape of a minor at walang inirekomendang piyansa ang korte.
Ayon sa Palawan Police Provincial Office (PPO), matagumpay na naisagawa ang operasyon matapos ang koordinasyon ng mga operatiba mula sa Palawan, Nueva Ecija at Nueva Vizcaya.
Pinangunahan ng Narra Police Station ang manhunt operation, katuwang ang mga tauhan ng Science City of Muñoz Police Station.
Base sa warrant of arrest, matagal nang hinahanap ang suspek kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya.
Ang warrant ay inilabas noong Abril 28, 2026 ng Regional Trial Court Branch 13-Family Court sa Puerto Princesa City.
Ang mga kasong kinakaharap ng suspek ay isinampa sa ilalim ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 11648, kaugnay ng proteksiyon sa mga menor de edad laban sa mga krimeng sekswal.
Sa kasalukuyan, pansamantalang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng Muñoz Municipal Police Station habang inaayos ang kanyang paglipat sa Narra, Palawan, kung saan siya haharap sa korte para sa kaukulang proseso.(Danilo Gravador)

