Nakakuha ng temporary restraining order (TRO) ang PrimeWater Infrastructure Corp. laban sa planong pagkuha ng pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan sa operasyon ng lokal na water district at paglilipat nito sa ibang water provider.
Sa desisyong inilabas noong Hunyo 8, naglabas ang Regional Trial Court ng Las Piñas ng 20 araw na TRO na pansamantalang humahadlang sa city government na alisin ang PrimeWater at ipalit ang Metro Pacific Water (MPW) bilang operator ng San Jose del Monte Water District (SJDMWD).
Matatandaang noong Mayo 20 ay nilagdaan ng lungsod ang isang dalawang-buwang operations and maintenance agreement sa MPW upang pansamantalang pamahalaan ang sistema ng tubig at magsagawa ng technical assessment sa gitna ng reklamo ng mga residente sa patuloy na problema sa suplay ng tubig.
Sa resolusyon, sinabi ng korte na may umiiral at balidong joint venture agreement ang PrimeWater at SJDMWD kaya may karapatan itong maprotektahan laban sa anumang panghihimasok ng mga hindi kabilang sa kontrata.
Binigyang-diin din ng korte na bagama’t may kapangyarihan ang lokal na pamahalaan na pangalagaan ang kapakanan ng publiko, may hiwalay na legal na personalidad at awtonomiya ang mga local water district sa ilalim ng Presidential Decree No. 198.
Ayon sa hukuman, hindi pa pinal na desisyon ang TRO sa usapin ngunit kinikilala nito na maaaring makaranas ang PrimeWater ng “grave and irreparable injury” kung hindi ito mabibigyan ng pansamantalang proteksyon habang dinidinig ang kaso.
Binanggit din ng korte na nahinto ang operasyon ng PrimeWater matapos umano itong mahirapang makakuha ng business permit para sa 2026.
Ayon sa kumpanya, ilang beses itong nagtangkang magsumite ng mga kinakailangang dokumento ngunit hindi umano ito nabigyan ng maayos na proseso ng Business Permits and Licensing Office.
Samantala, iginiit ng pamahalaang lungsod na patuloy na nakararanas ng krisis sa tubig ang mahigit 250,000 residente ng San Jose del Monte, dahilan upang maghanap ito ng alternatibong operator para sa water district.
Trending
- Knicks, ibubulsa ang 2026 championship sa 6 Games
- John Riel Casimero pinatumba si Luis Nery ng Mexico
- Jamilla, sagana sa dilig sa bagong pelikula!
- Jake, ‘di sisirain ang ex, sumusuporta sa pag-aaral ng bagong jowa
- Janice, ‘sinermunan’ si Inah sa isyu nila ni Rosmar
- Leandro Leviste sumulat kay Erwin Tulfo, tutulong sa flood control inquiry
- Pagpapalit sa PrimeWater bilang water provider sa SJDM pinigil ng korte
- Pope Leo nakipagkita sa 6 biktiam ng pang-aabuso ng mga pari

