Matapos sisihin ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang dating contractor sa kabundok na basura na tumambad sa mga kalsada sa lungsod at nagdulot ng mabahong amoy ngayong holiday season, naglabas naman ng pahayag ang Leonel Waste Management Corporation hinggil dito.
Bilang tugon, mariing pinabulaanan ng Leonel ang paratang ni Manila Mayir Honey Lacuna ng umanoy kapabayaan ng kumpanya sa pangongolekta ng basura ngayong holiday season.
Sa inilabas na pahayag ng Leonel, na Setyembre pa lamang nang abisuhan nila ang alkalde na hindi na sila lalahok sa bidding para sa 2025 upang mabigyan ng sapat na oras ang lokal na pamahalaan sa paghahanap ng bagong contractor.
Sa kabila nito, patuloy pa rin umano nilang tinutupad ang kanilang serbisyo hanggang Disyembre 31, kahit na hindi pa nababayaran ang mahigit P561 milyong utang ng LGU.
Labis ding ikinalulungkot ng kumpanya ang paninisi ni Mayor Lacuna sa tambak na basura na nagkalat sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod.
Giit nila, nagbigay na sila ng sapat na abiso upang maiwasan ang kasalukuyang sitwasyon.
Ayon sa naunang naging pahayag ni Mayor Lacuna, tumaas nang 400% ang dami ng basura ngayong holiday season.
Nauna na ring inihayag ni Mayor Lacuna na 80 trucks ang nagpapatuloy na umiikot ngayon sa lungsod upang kolektahin ang mga basura.
Dahil sa panibagong problema sa basura, nakaapekto naman ito sa ratings ng alkalde kung saan lumabas sa isang survey na bumaba sa ikatlong puwesto sa pagka-alkalde ng Maynila.