Inaprubahan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pre-charge evaluation laban sa siyam na opisyal ng Philippine National Police Academy (PNPA) kaugnay ng hinihinalang hazing incident noong Abril 3.
“There are about nine officers there and I have approved it, and of course may mga proseso tayo ‘yung sinusunod,” ani Nartatez sa press briefing nitong Lunes.
Ayon sa kanya, susundan ito ng reshuffle na sasaklaw sa mga senior officer na iniimbestigahan.
Kabilang sa sinisiyasat ang anim na commissioned officers at tatlong non-commissioned officers: dalawang colonel, dalawang police major, dalawang senior master sergeant, isang chief master sergeant, isang brigadier general, at isang major general.
Inirekomenda ang pre-charge evaluation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM).
Muling iginiit ni Nartatez ang zero tolerance policy ng PNP laban sa hazing.
“Inuulit ko, walang puwang ang hazing sa ating hanay. Ito ay isang tahasang paglabag sa disiplina, dangal at sa ating paninindigan bilang mga alagad ng batas. Hindi natin ito kailanman palalampasin o hahayaan,” aniya.
Tatlong cadet na ang nasa kustodiya kaugnay ng insidente, habang apat pa ang natukoy at haharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018.
Ayon sa mga awtoridad, mahigit 20 PNPA underclassmen ang umano’y nilagyan ng drain cleaner at muriatic acid sa isinagawang hazing, na nagdulot ng mga paso at iba pang pinsala.
Sinabi naman ni Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na dumanas ng matinding pagpapahirap ang mga cadet at kasalukuyang sumasailalim sa medical at psychological treatment.
“They were subjected to extreme torture. They’re undergoing medical treatment and psychological treatment. The injuries are not life-threatening but the damage is too much,” ani Remulla.
Kinondena rin ng National Police Commission (Napolcom) ang insidente at nag-utos ng mga reporma sa loob ng PNPA.
“Hazing will stop under our watch,” pahayag ni Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Vicente Calinisan nitong Lunes.
Trending
- Celeste, ready ng magpa-sexy
- Kyline, magbibigay ng ayuda sa mga driver ng jeep
- Bea-Vincent wedding ‘di tuloy sa May 16
- 12 ex-Marines sa ‘maleta scam,’ Zaldy Co, paghaharapin sa Blue Ribbon hearing
- Validity ng mga lisensya at registration, extended na
- Angkas babawasan komisyon sa mga rider
- ‘Missing’ na nene, natagpuang bangkay nakasilid sa sako
- Lalaki sangkot sa hit-and-run, patay sa bangga ng truck
