Pumalo na sa siyam ang mga naitalang nasawi sa Quezon City dala ng leptospirosis, ayon sa tala ng Quezon City Epidemiology & Surveillance Division (QCESD) mula Enero 1 hanggang Hunyo 18.
Batay pa sa tala ng QCESD, 66 na ang kabuoang kaso ng leptospirosis sa lungsod, at mula sa mga bilang na ito, 36 o 55% ang mga nasa edad 31 pataas.
Naitala ring 55 o 83% sa mga bilang na ito ay kalalakihan habang 11 o 17% naman ang kababaihan.
Matatandaang kabilang ang sakit na leptospirosis sa mga mapapanganib na sakit na kadalasang nakukuha ng mga Pinoy sa bansa tuwing panahon ng tag-ulan, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon sa pag-aaral ng National Health Service (NHS), ang leptospirosis ay nakukuha mula sa ihi ng infected na hayop tulad ng daga, baka, baboy, at aso.
Kadalasan itong humahalo sa ilog, kanal, o lawa, at pumapasok sa bibig, mata, o bukas na sugat.
Habang may mga sintomas ito tulad ng lagnat, rashes, o kaya’y pagkadilaw ng mga mata at balat o jaundice, maari ring maging asymptomatic ang leptospirosis.
Kaya payo ng QCESD upang maiwasan ang leptospirosis, iwasang lumusong, lumangoy, at magtampisaw sa tubig baha.
Tiyakin ding gumamit ng proteksyong pambaha tulad ng bota at guwantes.
Ngunit kung hindi maiiwasang sumuong sa baha, agad na magtungo sa pinakamalapit na health center upang maresetahan ng doxycycline, na gamot laban sa leptospirosis.
Sa kaugnay na ulat, nakapagtala ng 14 na dengue-related death sa lungsod ang QCESD mula Enero 1 hanggang Hunyo 18, na isa rin sa mga mapanganib na sakit tuwing tag-ulan.
Sa kabuoan, umabot na sa 2,678 ang kaso ng dengue sa Quezon City, at bagama’t mas mababa ng 51% kumpara noong 2025, sa talang 5, 517 sa kaparehang panahon, pinaka-apektado sa kasalukuyan ang mga batang nasa edad 10 pababa.

Share.
Exit mobile version