Arestado ang tatlong lalaki sa ikinasang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa ilegal na bentahan at pagsasalin ng produktong petrolyo o tinatawag na “paihi” sa Bauan, Batangas.
Ayon sa CIDG, isinagawa ang operasyon 12:00 ng madaling-araw noong Huwebes, Mayo 7, sa Brgy. San Pedro kung saan naaktuhan umano ang mga suspek na nagsasalin ng diesel at gasolina mula sa tanker truck patungo sa mga container at drum nang walang kaukulang permit mula sa Department of Energy.
Nasamsam sa operasyon ang isang tanker truck na may laman na tinatayang 20,000 litro ng petroleum products, anim na malaking container na may diesel, ilang drum ng unleaded gasoline, at iba pang kagamitan na ginagamit umano sa “paihi” operation.
Tinatayang aabot sa mahigit P5.5 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang ebidensya.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 at Presidential Decree 1865 kaugnay ng illegal trading ng petroleum products.

Share.
Exit mobile version