Nag-claim ang isang tricycle driver mula Capiz ng P15 milyong jackpot na napanalunan nito sa March 25 Megalotto 6/45 draw, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ang kanyang pagkapanalon, dumating makaraan ang halos tatlong dekadang patuloy na pagtaya sa lotto.

Sa inilabas na pahayag nitong Martes, sinabi ng PCSO na hindi nawalan ng pag-asa ang nanalo, na nasa edad 50 pataas na, sa kabila ng matagal na paghihintay.

“Hindi po ako nawalan ng pag-asa. Naniniwala ako na darating ang tamang panahon at papalarin din akong manalo, basta patuloy lang ang pagtaya nang may paniniwala,” aniya.

Nasungkit niya ang jackpot noong March 25 nang tamaang lahat ang kombinasyong 17-24-15-29-10-05 sa Megalotto 6/45 gamit ang P25 na ticket. Bago siya naging milyonaryo, umaasa lamang siya sa pamamasada ng traysikel upang tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.

“Nakakaraos naman po sa pang-araw-araw na pagmamaneho. Kahit papaano, nakakasapat sa gastusin ng pamilya,” saad nito.

Sa halip na magwaldas, sinabi ng nanalo na gagamitin niya ang premyo upang magsimula ng farming business, isang pangarap na matagal niyang ipinagpaliban dahil sa kakapusan sa pera.

“Gagamitin ko po ang napanalunan ko para mag-umpisa ng negosyo sa farming. Gusto kong magkaroon ng mas matatag na kabuhayan para sa pamilya at makabuo ng pangmatagalang pagkakakitaan,” dagdag niya.

Nagpaalala rin ang PCSO sa publiko na pairalin ang responsible gaming at iginiit na ang lotto ay dapat ituring na libangan, hindi pangunahing sandigan ng kabuhayan.

Share.
Exit mobile version