28M estudyante inaasahang mag-eenroll sa SY 2026–202
Inaasahan ng Department of Education (DepEd) na aabot sa 26 hanggang 28 milyong estudyante ang mag-eenroll para sa School Year 2026–2027 na magsisimula sa Hunyo 8, ayon kay Assistant Secretary Jocelyn Andaya.
Sa isang panayam, sinabi ni Andaya na bagama’t may mahigit isang milyong teaching at non-teaching personnel ang DepEd, sapat umano ang bilang ng mga guro upang tugunan ang inaasahang dami ng estudyante, kahit may ilang lugar pa ring nakararanas ng kakulangan.
“Marami po tayo ngayong mga bagong item… Ang tinitignan po natin dito ay sapat po ang ating magiging numero ng mga guro para ngayong school year… Kung ideal ang pag-uusapan, may kulang po tayo, pero meron din tayong schools na ang kanilang teachers ay more than enough,” aniya.
Ayon sa DepEd, tinatayang 35:1 ang student-to-teacher ratio sa lower levels at 45:1 sa higher levels, ngunit maaari itong umabot sa 50:1 hanggang 55:1 sa mga urban na lugar tulad ng National Capital Region.
Nananatili rin sa 136,000 ang backlog ng mga silid-aralan, kaya’t patuloy ang pagpapatupad ng mga programa tulad ng public-private partnerships, pakikipagtulungan sa LGUs, at Adopt-a-School initiative upang mapabilis ang konstruksyon.
Inaasahan din ng DepEd na makukumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mahigit 9,000 silid-aralan ngayong taon.
Samantala, gagamit muna ng mga learning materials na naipamahagi noong nakaraang taon habang hinihintay ang bagong textbooks na nakatakdang dumating sa Hulyo.
“Habang wala pong mga libro talaga ang ating mga bata, ay meron naman po tayong tinatawag na supplementary learning materials at mga lesson activity sheets,” ani Andaya.
Idiniin din ng DepEd na ang ideal na bilang ay isang textbook kada estudyante, ngunit inaayos pa ang procurement para rito.
