Arestado na ang drayber na nasa likod ng panibagong ‘gas-and-run’ incident sa isang gasolinahan sa Payatas sa Quezon City.
Nag-viral ang CCTV video ng isang sedan na tumakas matapos magpakarga ng P1,500 halaga ng fuel.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nalaman ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS-13) ang pagkakakilanlan ng suspect sa pamamagitan ng CCTV backtracking.
Sa inital na records, napag-alamang iba na ang may-ari ng sasakyan at una na itong nabenta noong 2021 sa isang alyas ‘Christian’.
Sa imbestigasyon ng QCPD, lumabas na pinahiram ni Christian ang sasakyan sa isang alyas ‘Tyron’.
Na-aresto si Tyron, at isa pang kasamahan inito na si alyas ‘Ricky’.
Napag-alaman namang si Tyron ay na-aresto na noon para sa kasong Serious Physical Injuries noong February 2017 sa isa ring gasolinahan sa Brgy. Balite, Rodriguez, Rizal.
Inihahanda na ngayon ang kasong estafa laban sa mga suspek.
Samantala, pinaghahanap pa ang ikatlong suspek na nakilala naman sa alyas na ‘Botchoy’ na may record na raw noong 2017 para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act; at sa hiwalay na Frustrated Murder noong 2020.
Sabi ni NCRPO chief MGen. Anthony Aberin, paiigtingin pa ang police visibility para maiwasan ang mga ganitong uri ng insidente at mabilis silang makatutugon sa mga lumalabag sa batas.
Umapela rin ito sa publiko na manatiling vigilant, at kaaagad na mag-report sa 911 para sa mga kaparehong uri ng insidente.
